Patotoo sa Paggamot

(Isinalin mula sa Portuges)

Oktubre 27, 2014
Ang pangalan ko ay Pastor Isaque Roberto. Ako ay mula sa Londrina sa Estado ng Parana, Brazil. Nais kong magbahagi ng isang bagay sa pamamagitan ng email na ito. Ako ay naging pastor sa Londrina ng 15 taon. Tatlong taon na ang nakalipas, dumaan ang aking pamilya sa isang nakakatakot at malaking pangyayari.

Noong Hulyo 24, 2011, ang aming anak na babae na si Beatriz Gabriela (sa edad na pito), ay nakaranas ng isang malubha na aksidenteng pantrapiko nang siya ay nabundol ng isang tsuper ng taksi habang naglalakad patawid. Sa lakas ng pagkabangga nya, ayon sa mga imbestigador, ay tumilapon siya ng 21 na talampakan. Tumakbo ako sa kanyang tabi at nakita kong hindi siya humihinga. Naaalala ko na sumigaw ako ng, "Tumawag kayo ng tulong!"

Nang tumingin muli ako sa kanya, nakita ko ang gulong ng isang motorsiklo at narinig ko ang boses na nagsabing, "Ako ay makakatulong. Ako ay isang bumbero." Sa sandaling iyon inilagay ng Dios ang unang rumisponde doon. Ipinahiga niya si Beatriz at sinimulan ang CPR, at siya ay umubo ng dugo. Dumating ang tulong, at habang siya ay nasa pangangalaga ng mga tao sa loob ng ambulansiya, nagsimula akong manalangin. Humarap sa akin ang diyablo at ipinakita sa aking isipan ang imahe ng isang batang lalaki na kilala ko na nabundol rin ng isang kotse at nawalan ng kakayahang makipag-usap at gumalaw. Sa kasalukuyan ay dinadala siya sa wheelchair ng kanyang pamilya. Sa sandaling iyon, ipinapakita ng diyablo ang kanyang imahe at sinasabing, "Iyan ang mangyayari sa iyong anak na babae."

Siya ay dinala sa ospital at admitido siya sa mga sumusunod na pagsusuri: bali ang kaliwang paa, bali ang kanang humerus, bali ang kanan at kaliwang balagat, may hiwa sa pali, pagkapilipit ng baga at pangatlong antas ng trauma sa ulo (ang pang-apat na antas ay kamatayan).

Nang dumating kami sa intensive care unit, nakita namin ang aming anak na nakakonekta sa ilang mga aparato, humihinga sa pamamagitan ng makina, at walang malay (comatose).
Tatlong araw matapos ang aksidente, Hulyo 27, pinatawag kami ng neurosurgeon na nag-aalaga sa kanya at sinabing, "wala akong magandang balita. Lumala ang kanyang kalagayan. Hindi siya tumutugon sa mga gamot, at siya ay nagkaroon ng pamamaga sa ulo. Dahil doon, hindi dumadaloy ang dugo papunta sa utak niya, at sa loob ng ilang oras, magiging brain dead na si Beatriz." Ang sabi ng doktor, "Ako ay may huling alternatibo, at iyon ay ang pag-opera upang alisin ang bahagi ng bungo sa bawat gilid upang mapakalma ang presyon sa utak ni Beatriz, para ito ay magkaroon ng puwang sa paglawak. Gayunpaman, walang garantiya na magbabago ang kanyang kalagayan o kaya kakayanin nya ang operasyon."

Pinahintulutan namin ang operasyon, dahil alam namin na sa Dios ang huling salita. Habang hinahanda nila ang lahat, sinabi nila na manatili kami kay Beatriz para masabi namin ang aming mga paalam. Nagsimulang magdasal ang aking asawa habang tinawag ko ang ibang tagapamagitan at ipinaliwanag ang sitwasyon. Habang nakasandal ang aking asawa sa katawan ni Beatriz at nagdarasal, may lumapit na tao sa kanya at sinabing, "Inay, payo ko sa inyo na manalangin kang kunin na lang siya ng Dios, dahil kung siya ay mabubuhay, hindi na siya makakagalaw at mananatili lamang siya sa kama habangbuhay." Makalipas ang isang oras, at hindi ko pa alam ang nangyari, nakatanggap ako ng mensahe mula sa aking telepono galing sa aking hipag at sinabi niya na nagkaroon siya ng pangitain habang siya ay nananalangin. Nakita niya ang isang demonyong espirito na lumapit sa aking asawa at binanggit ang eksaktong mga salita.
Ang operasyon ay tumagal ng halos limang oras. Nang dinala na si Beatriz sa intensive care unit, balot ang kanyang ulo at ang kanyang mukha ay dispigurado. Wala akong magagawa kundi ang maghintay. Kami ay nanalangin sa Dios na pagalingin siya, ngunit mayroong masamang balita ulit- pulmonya, impeksiyon ng ospital.

Isang araw bago ang kaarawan ni Beatriz (Agosto 8), sabi ng doktor na tatanggalin niya ang mga gamot na pampaginhawa upang makita kung makalabas siya sa pagkawala ng malay. Tinanong ko, "Gaano katagal sa tingin mo bago siya magising?" "Walang paraan upang malaman ito," sabi nya. "Maaaring gumising siya ngayon, bukas, sa susunod na linggo, sa susunod na buwan, sa susunod na taon, ngunit maaari din na hindi na siya gumising." sabi nya.

Makalipas ang ilang araw, tinanggal na ang artipisyal na kasangkapang panghinga. Nagdiwang kami dahil nagsimula na siyang magkamalay. Subalit noong gabing iyon, nakalanghap si Beatriz ng likido at lumala ang kanyang paghinga. Nang dumating kami sa ospital, nakita namin na nahihirapan siyang huminga. Ginagawa ng mga medikal na tauhan ang lahat upang gumaan ang kanyang pakiramdam. Nagpunta kami sa labas upang mananghalian, at nang bumalik kami at nagtanong para makapasok, hindi kami pinayagan. Tumingin ako sa pamamagitan ng pinto at nakita kong nakapaligid sa kanya ang lahat ng tauhan at umiiyak sila. Kinailangan naming maghintay ng ilang minuto, at pagkatapos ay pinayagan kaming pumasok sa loob. Nakita namin na may aparato na naman sa panghinga si Beatriz. Ang sabi ng isang doktor, "Maaaring kailangan naming magsagawa ng trakotomya, at kakailanganin muli ni Beatriz ang aparato sa paghinga. Nawawalan siya ng kakayahang huminga ng siya lamang." Higit na masamang balita- at isa pang dahilan upang magdasal. Makaraan ang ilang araw, si Beatriz ay nagkaroon ng malay at napunta sa pagamutan.

Palagi naming tinatawag ang Dios at nag-aayuno kami sa buong panahon. Nang napunta si Beatriz sa pagamutan, binago namin ang anyo ng kwarto at ginawa itong sentro ng panalangin, 24 oras araw-araw. Nagkaroon kami ng mga papuring pagkanta. Nagdadasal kami bawat oras. Papasok ang mga tao at makikita si Beatriz na nakahiga sa kama at may molde sa binti niya, konektado sa makina para sa paghinga at pagkain. Sinasabi nila, "Paano nagkaroon ng lubos na kapayapaan sa lugar na ito?" Sa lahat-lahatan ay may 53 araw na pananatili namin sa ospital.

Nang makalabas na si Beatriz, dumating siya sa bahay na walang pagpapakita ng tunay na paggaling. Mayroon kaming kamang pang-ospital, silyang panligo, at upuang de gulong sa bahay. Ang aking asawa ay nakikipag-usap sa pisikal terapist at tinanong niya, "Doktor, gaano katagal sa tingin niyo bago makalakad ulit si Beatriz?" Ang sabi ng doktor, "matagal na akong naglilingkod sa ganitong propesyon, at wala pa akong nahahanap na medikal na panitikan o narinig na kahit anong kwento ng sinumang nakaligtas sa aksidenteng sinapit ni Beatriz. Siguro sa isang araw siya ay makakalad muli gamit ang saklay o panlakad, ngunit sa paglakad uli ng normal - sa palagay ko- hindi na muli. Gayunman, kami ay determinado sa aming diwa na siya ay hindi matatapos sa ganoong paraan." Nagpatuloy kami sa matatag na paghanap sa Panginoon, minsan sa pananampalataya, minsan sa pag-iyak, ngunit laging nagtitiwala. Isang araw dinala namin siya sa isang klinika ng komunidad dahil kailangan namin ng referral, at sinabi ko sa doktor na mahalaga ito. Hiniling ng doktor na makita si Beatriz, at nang ako ay lumakad sa loob ng opisina at karga siya sa aking braso, nagtanong ang doktor, "Ginoo, bakit kayo nagmamadali? Ano ang mababago sa tuntunin ng kundisyon ng bata?"
Kinailangan muli ni Beatriz ang maoperahan upang maitanim ang prostisis sa lugar kung saan tinanggal ang mga buto sa kanyang bungo. Nakuha namin ang pagtatantya ng (Brazilian Real) na $147,500.00 (halos) $60,000.00 USD). Wala kaming ganoong pera, kaya may isa pang dahilan upang magdasal. Nakatanggap kami ng direksiyon mula sa Dios sa pamamagitan ng isang kaibigan, kami ay nagsimula ng kampanya upang mangilak ng pera. Isang Huwebes, ako ay nakatanggap ng tawag mula sa isang babae na nagsimulang magtanong tungkol kay Beatriz. Tinanong niya kung magkano pa ang kailangan namin, at ang sabi ko ay (BRL) $57,000.00 ($23,000.00 USD). Sabi nya na titignan niya ang kanyang magagawa para sa amin. Noong sumunod na Lunes, nang pumunta ako sa bangko upang mag-withdraw ng balanse, nalaman ko na nagdeposito ang taong iyon ng halagang kailangan namin. Sa loob ng 40 na araw nagawa naming mangilak ang bawat sentimos na aming kailangan. Purihin ang Dios!

Naganap ang operasyon noong Disyembre 23, 2011. Sa buong panahon, si Beatriz ay nakakaupo na sa tulong ng mga unan at siya ay nakakaupo na din sa upuang de gulong.
Noong Disyembre 27, nagpaalam ako kay Beatriz bago umalis papuntang simbahan. Kinuha ko ang mga kamay niya at sabi ko na pupunta ako ng simbahan. Naramdaman kong hinihila nya ang aking kamay. Hinawakan ko siya ng maigi at sa sandaling iyon siya ay tumayo. Natakot ako at humakbang paatras ng isang beses, at sa parehong panahon, naglakad din siya pasulong at tuloy-tuloy nang naglakad. Ang Dios ay tapat!

Lumipas ang mga araw, at nagbalik ang mga abilidad ni Beatriz. Nagsimula siya muling magsalita at magsulat. Noong Mayo 2012, siya ay bumalik sa paaralan.

Ngayon, tatlong taon ang nakaraan, siya ay buhay na patotoo sa higit sa karaniwan na himala, isang patunay na ang Dios ay tapat sa Kanyang Salita at kumikilos ng pabor sa lahat ng nagsisisampalataya. Ang salita ko para sa iyong buhay sa lahat ng oras ay, LAHAT AY POSIBLE PARA SA NANINIWALA (Marcos 9:23).

Ilang araw ang nakalipas, ang aking asawa ay may kasamang pisikal terapist, at pinapakita ng doktor si Beatriz sa isa nyang estudyante at sinabing, "Isa itong himala, sapagkat kung hindi dahil sa Dios, wala siya dito ngayon. Walang magagawa ang medisina para sa kanya."

Walang magagawa ang gamot, ngunit KAYA NG DIOS! MAAARI DIN SIYANG GUMAWA SA BUHAY MO!
Pastor Isaque Roberto
Ang patotoong ito ay ibinahagi sa buong iglesia sa Londrina at isa itong ehemplo ng kapangyarihan ng Dios upang hamunin ang ating pananampalataya. Panoorin sa YouTube ang patotoo na nairekord sa simbahan:
http://www.youtube.com/watch?v=YHqbBk0A4nA